Tuesday, September 27, 2011

Panaghoy ng Isang Anak Na Nasa Kabilang Ibayo Nang Manalanta Si Pedring

Dahil hindi pa tuluyang naghilom ang 'yong mga sugat, ngunit heto na naman....



Kumusta ka na inang 'pinas?
Dinig na dinig ko mula dito sa kabilang ibayo
ang iyong pagkagulantang nang bigla kang dinalaw
ulit ng isa na namang nagsusungit na tagapag-singil


Subalit sa pagkakataong ito, hindi na si Frank o si Ondoy
Siguro ay napagod na ang dalawa sa pag-usig sa 'yo
nang 'di mo sila nabayaran kaagad-agad sa ilang 'di
mabilang na pagkaka-utang sa kanila ng 'yong mga anak


Ilang puno ng nara at akasya na din ba ang hiniram, pinagkakita-an
 na at lahat ngunit 'di pa rin naibalik ang kapital sa dapat na pagbayaran?
O 'di kaya ay ang pagpapakasasa sa mga ilog at kadagatan na animo'y
isang malaking party ground tapos ay nanlilimahid pa na iiwan?


Kaya sa pagkakataong ito, iba na man ang pinadala
si Pedring, bagong delivery boy at messenger , at kagaya ng mga nauna,
napagod din siya sa pagsuyo at sa pakiusap na siya'y bayaran na ng
maluwag sa loob at nang siya'y mapayapa nang dumaan at umalis kaagad


Ngunit gaya ng dati, ano bang mai-aalok mo sa kaniya inang 'pinas?
Ano kaya ang maipambabayad mo sa gabundok na pagkakautang
ng iyong mga anak kung sa nagdaang pagpapasakit at pagkakastigo sa 'yo
ay lugmok ka pa at ang 'yong mga pasa ay nangingitim pa?


Hindi mo na makaya, alam ko inang 'pinas, ngunit pilit mong iniinda.
Ngunit 'di kagaya ng mga nagdaang pagkakataon ng ika'y malakas pa, ngayon ay
hinang-hina ka na kaya hindi mo na lubusang maisangga ang 'yong buong katawan,
kaya inabot ng galit ni Pedring pati ang 'yong mga anak na pilit mo sanang ipinagtatanggol.


Ilan kaya sa kanila ang giniginaw ngayon, walang makain at walang masilungan?
Ilan kaya sa kanila ngayon ang magpapalipas ng gabi sa taas ng bubungan?
Ilan kaya sa kanila ngayon ang pilit na maiidlip at nang makalimutan ang pitong
buhay, pitong anak, na sapilitang kinuha mula sa 'yo ni Pedring bilang pambayad utang?


Kaya ako na isa mo ding anak, nakatanaw lamang mula dito sa kabilang ibayo
habang patuloy na nananalanta ang isa na namang maniningil ay lubos na nananaghoy,
dahil wala ako upang dumamay sa muli mong pagkakasadlak at ang tangi kong mai-aalay
ay panalangin na sana, dumating ang araw na maghilom din ang lahat ng iyong mga sugat,
at mapatawad mo ang iyong sarili sa  ilang buhay ng 'yong mga anak na ipinambayad utang.

.
*Photo courtesy of yahoo.com.ph

No comments:

Post a Comment